Friday, May 16, 2008

Pakner, Wardspeak na tayo Ah!!

Ang mundo nga'y puno na ng pagbabago
Teknolohiya, pagkain at itsura ng tao.
Ngunit ang salita'y di rin nagpatalo,
Ang mga ito'y pasok din sa uso.

Doon sa aming baryo ay napansin ko,
May mga salitang di maunawaan ng lolo;
Kasi nga naman ito ay bago,
At nilikha ng ibat'-ibang grupo.

Silipin natin ang mga bagay-bagay
Upang maintindihan aking tinatalakay,
Sisimulan ko't ikaw ay sumabay
Pagkukumento ay sa huli mo ibigay.

Ako ay may nakitang mag-irog sa daan,
Ang sabi ng iba, uy! magshota yan.
Magjowa naman sabat ng bakla
Na ang bansag sa sarili ay jokla.

Ngayon ang kwentuhan ay naging chikahan
Chukchakchenis, ano ba yan? di ko maintindihan.
Japorms daw ang porma ng makabagong kabataan
Uy, repapis! sang-ayon ka ba dyan?

Jiahe kasi pag di naging maayos,
Sige, tawagin mo na lang akong jologs.
Alam ko naman na ito'y di corny,
Bacause my poem is quite so funny.

Totoo naman kasi aking sinasabi
Kaya si erpat at ermat di makaintindi.
Bakit di mo ituro makabagong lengguwahe?
Sekreto mo kasi baka nila mahuli... hehehe..

Di ba't sinasabi ko'y di naman charing?
At siguradong di ako praning.
At mas lalong di ako bading,
At di ko rin nais na ikaw ay ibuking.

Oopps, teka lang! tomjones na ako;
Mga tabulats sa tiyan ko'y nagtatalo-talo.
O paano, chichicha na ako,
Kita-kits na lang po... Baboo!

Sasalihang Tunggalian: Maipanalo Kaya?

Nakakita ka na ba ng pilay na sumali sa takbuhan na ang mga katunggali ay may maliliksing mga paa at mga binti? Napahintulutan na kaya ang isang bulag na lumahok sa karera ng sasakyan? O ang isang pipi na makipagbalagtasan sa may dilang matatas?

Oo, nakakatawa kung iisipin na ang hindi normal ay lumahok sa tunggalian ng mga normal. Hahaha! Nakatatawa talaga! Kung sakaling mayroon man, ikaw ay sasang-ayon na sya’y di magwawagi.

Nais ko sanang lumahok sa isang paligsahan. Isang paligsahan na ang karalangang makakamit ay hindi tropeo, medalya o ano man. Ang syang magwawagi ay makakamit ang pag-ibig ng prinsesang may taglay na kakaibang kagandahan.

Ngunit hindi sa hinahamak ko ang aking sarili, ang akin lamang ay maipakita ang katotohanan, ang katotohanang ang aking mga katunggali ay batikan na sa ganitong larangan. Sila ay lamang sa akin sa maraming mga bagay. Hindi ko maikukubling ang karanasan nila ay mas lalong magdidiin sa akin sa kasawian.

Nakalulungkot man ang aking kalagayan ngunit kailangang kong ilaban ang aking karapatan. Nais kong makamit ang tunay kong pag-ibig. At gagawin kong sumagwan kahit ang mga katunggali ay may kanya kanyang barko. Sa saranggola ako ay sasakay kahit sila ay may eroplano. Ang tanging hangad ko lang ay marating ang hangganan at mapagtagumpayan ang aking ipinaglalaban.

Isang pabula ang sa aki’y nagpalakas. Isang kwento ng kahinaan ngunit sa huli ay nagsilbing kalakasan. Ang kwento ni koneho at ni pagong. Hindi ba’t napakainam na halimba yan?

Ako man ay pagong kung maituturing, maaari pa ring magwagi kung pagtitiyaga at determinasyon ay aking paiiralin. Oo, sila nga ay mga kuneho at mabilis magsitakbo, ngunit may pag-asa parin ang isang pagong sa hatol ng prinsesang may kabaiitan sa kanyang puso.